Speech of MBM Ignacio R. Bunye before the Manila Police District

(27 June 2011)

MPD Director Chief Supt. Roberto Rongavilla - isa kong magiting na kababayan sa Muntinlupa, mga opisyal ng Manila Police District, ating mga magigiting na kapulisan, isang magandang Lunes sa inyong lahat.

Hindi po araw-araw na nabibigyan tayo ng pagkakataon na makasalimuha ang Manila's Finest, kaya naman itinuturing kong isang karangalan para sa akin ang makapagsalita sa harap ninyo ngayon.

Marahil ay naging pagsubok, hindi lang sa Manila Police District, kundi sa buong Philippine National Police ang mga nangyaring hamon sa sangkapulisan nung nakaraang taon. Pero hindi dapat ito maging hadlang sa patuloy nating pagsusumikap na mapalapit ang kapulisan sa komunidad. Tulad ng isang malinis na papel na may katiting na bahid ng dumi, yung dumi ang karaniwang napapansin ng madla. Dapat ilagay natin sa ating isipan na walang perpektong institusyon. Talagang may mga hamon at natural lang na magkaron ng mga pagkakamali. Subalit nasa kamay din po natin kung paano haharapin ang mga hamon at kung paano iiwasan o itutuwid ang mga pagkakamali.

Mayroong simpleng listahan o check list, na maaari po nating gamiting gabay sa pagtupad sa ating pang araw- araw na tungkulin bilang mga "public servants".

Alam ko na narinig na ninyo at kung minsan ay nabibigkas na ninyo ang Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno. Kailangan po nating sundin ang panunumpang ito sa isip, sa salita at sa gawa.

Ayon sa panunumpang ito, tungkulin natin bilang kawani ng gobyerno na maglingkod ng tapat at mahusay sa lahat ng oras.

Kasama sa paglilingkod ng matapat at mahusay ang mga sumusunod:
-Ang pagpasok ng maaga at, kung kinakailangan, ang pagtatrabaho ng lampas sa takdang oras;
-Ang pagsisilbi ng magalang at mabilis sa lahat ng nangangailangan;
-Ang pangangalaga ng mga gamit, kasangkapan, at iba pang pag-aari ng pamahalaan;
-Ang pagiging pantay at makatarungan sa pakikitungo sa lahat ng mga lumalapit sa ating tanggapan;
-Kung hinihingi ng pagkakataon at sa pamamagitan ng pagsunod sa wastong proseso, ang pagsasalita laban sa katiwalian at pagsasamantala;
-Ang hindi paggamit ng ating katungkulan para sa sarili nating kapakanan;
-Ang hindi paghingi o pagtanggap ng suhol;
-At ang pagsisikap na madagdagan ang ating talino at kakayahan upang ang antas ng paglilingkod sa bayan ay patuloy nating maitaas.

Napaka-simpleng pakinggan. Napaka-simpleng bigkasin. Subalit alam din po nating lahat na sa totoong buhay, malaking hamon ang magampanan ang lahat ng ito.

Gaya ng nabanggit ko kanina, walang perpektong tao at walang perpektong institusyon. Pero utang natin sa Sambayanang Pilipino na ating pinagsisilbihan na maging tapat at mahusay sa ating tungkulin nang walang hinahangad na kapalit.

May kasabihan sa Ingles: "Excellence is its own reward." Isaisip at isapuso po natin ito lagi.

Hindi magiging matagumpay ang PNP kung walang pagkakaisa at pagtutulungan ang kapulisan. Kung sa ibang institusyon ay may boss at empleyado, sa kapulisan ay gayun din. May commissioned police officers o opisyal at mga non-commissioned police officers na nagsisilbing "subordinates."

Mga opisyal, sikapin nating gabayan ang mga pulis na nasa ilalim natin. Magsilbi tayong "role model" o huwaran sa kanila at huwag natin silang pababayaan kapag kailangan nila ang ating pag-aakay. Ituring natin silang mga anak, o kung hindi man anak ay mga nakababatang kapatid. Sikapin din nating gampanan ang huling punto sa Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno: Na madagdagan natin ang ating talino at kaalaman sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral at pagsasanay. Siguraduhing maibahagi natin ang ating kaalaman at kasanayan sa ating kapwa pulis.

Ang kadakilaan ng isang pinuno ay hindi nasusukat sa kapangyarihang hawak nya. Ika nga ng isang sikat na superhero, "With great power comes great responsibility."

Sa ating mga pulis, igalang at pakinggan natin ang ating nakatataas. Ang tagumpay ng PNP ay nakasalalay sa pagsunod ng bawat isa sa atin sa kanyang nakatalagang tungkulin at sa paggalang sa herarkiya (hierarchy).

Subalit higit sa lahat, laging ilagay natin sa ating mga isipan na ang pangunahin nating responsibilidad ay sa Sambayanang Pilipino. Paglingkuran natin sila ng abot sa ating makakaya o higit pa.

Ang tiwala at respeto ng komunidad ay napakahalaga. Seguruhin lagi na sa ating mga pagkilos - nakauniporme man tayo o hindi - na tayo ay laging kagalang-galang.

Tayo ang mukha ng pamahalaan. Kung ang tao ay may tiwala at respeto sa atin, sila ay may tiwala at respeto din sa pamahalaan. At ang bayang may tiwala at respeto sa kanyang pamahalaan ay isang bayang magiging maunlad.

Bilang pagtatapos, pinapahalagahan ko ang patuloy na pagsusumikap ng PNP, lalo na ng MPD-sa ilalim ng magiting na pamumuno ni Chief Supt. Rongavilla-na lalong ilapit ang sangkapulisan sa tao sa pamamagitan ng mga programang makakapagpaunlad sa komunidad tulad ng peace and order programs at increased patrol and police visibility.

Kasama po ninyo ako sa inyong patuloy na hangarin na mapangalagaan at maitaguyod ang magandang simulain ng Manila's Finest.

Mabuhay ang MPD! Mabuhay ang PNP!


back to top